Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nais umuwi mula Israel kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, umabot na sa 178 OFW ang nagpahayag ng kagustuhang magpa-repatriate, mula sa 85 noong mga unang araw matapos ang Iranian missile strikes.
Dahil nasa Alert Level 2 pa rin ang Israel, boluntaryo pa lamang ang repatriation at wala pang mandatory evacuation order.
Dagdag pa ni Cacdac, nakikipag-ugnayan ang pamahalaan para sa repatriation ng 14 pang OFW mula Iran, habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa mga embahada sa Jordan, Lebanon, at Iraq.
Simula noong Oktubre 2023, halos 4,000 OFW na mula sa Israel at Lebanon ang naipa-uwi ng DMW, DFA, at OWWA.
Naka-“red alert” na rin ang mga recruitment agencies na may mga manggagawang naka-deploy sa rehiyon.
Inaatasan silang magsumite ng contingency plans at makipag-ugnayan sa gobyerno o maharap sa posibleng parusa.