Bilang ng mga kasosyo ng PrimeWater Inc., lumobo noong 2019 sa ilalim ni Sen. Mark Villar bilang dating DPWH chief, ayon sa Malacañang | News Light

📅  |  ✏️ Updated

Lumitaw sa imbestigasyon ng Palasyo na dumami ang joint venture deals ng PrimeWater sa mga local water district noong 2019, sa panahon ng pamumuno ni Mark Villar sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan naka-attach ang Local Water Utilities Administration (LWUA).

Isiniwalat ni Communications Undersecretary Claire Castro ang impormasyon matapos makipagpulong ang Office of the President kay LWUA Chief Jose Moises Salonga para pag-usapan ang patuloy na imbestigasyon ng gobyerno sa PrimeWater.

Sa pagpupulong sa Malacañang, sinabi ni LWUA Administrator Jose Moises Salonga na may posibleng conflict of interest sa mga deal, lalo’t nakita ang mga posibleng iregularidad sa mga kontrata — partikular na kung paano ito nakalusot, sino ang nag-apruba, at kailan ito dumami.

Matatandaang nasailalim ang LWUA sa pangangasiwa ng DPWH mula 2011 nang pirmahan ng Aquino administration ang Executive Order No. 62 na naglilipat sa LWUA mula sa Department of Health patungong DPWH.

Inilipat naman ng Marcos Jr. administration ang LWUA sa ilalim ng pangangasiwa ng Water Resources Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

ADVERTISEMENT

Nilinaw rin ni Salonga na wala silang sinisisi kundi layunin lamang nilang maisaayos ang sistema ng patubig sa mga lokalidad.