Ligtas pa rin umanong kainin ang mga isdang tawilis mula sa Taal Lake sa Batangas ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ito ay matapos isiwalat ni alyas Totoy na sa Taal Lake itinatapon ang bangkay ng mga sabungerong matagal nang nawawala.
Paliwanag ng BFAR, ang tawilis ay matatagpuan sa ibabaw na bahagi ng tubig at natural ang mabilis na pagdami nito.
Cultured fish naman ang mga isdang gaya ng bangus at tilapya na karaniwang pinalalaki sa fish cage at hindi kumakain ng karne.
Kabuhayan ng mga mangingisda sa Taal Lake, apektado
Naaapektuhan na ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Taal Lake kasunod ng balita na itinatapon ang labi ng mga nawawalang sabungero sa naturang lugar.
Iniuugnay ni Laurel, Batangas Mayor Lyndon Bruce ang pagbaba ng benta ng isda sa negatibong pagtingin ng mga mamimili sa Taal Lake.
Nararamdaman na aniya maging ng mga mangingisda sa kalapit na bayan ang pagbaba ng kita dahil sa isyu.
Siniguro naman ng Laurel mayor na ligtas kainin ang mga isda mula sa Taal Lake at iginiit na apat o limang taon na ang pangyayari kung may katotohanan man ito. (Sarah Lagsac-Arsenio at Carlene Latuna/News Light)