Nilagdaan ni Governor Sol Aragones kahapon ang kanyang kauna-unahang executive order sa harapan nina Vice Governor Atty. JM Carait, Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa, at ng 18 miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Naglalaman ang executive order ng mariing pagbabawal sa masusungit o matataray na kawani sa lahat ng pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Laguna. Kasabay nito ay bitbit nila ang isang poster na nagpapakita ng suporta sa programa ni Governor Aragones.
Papatawan umano ng parusa ang sinumang lalabag sa kautusan, habang makakatanggap naman ng parangal ang mga magsisilbing may paggalang, ngiti, solusyon, at aksyon.
Sa panayam sa gobernadora, nais niyang pasiglahin ang turismo sa pamamagitan ng citizen journalists na makakatulong sa pagpapayabong ng turismo sa bawat sulok ng lalawigan.
Nais ding ipatupad ng Department of Health, sa pangunguna ni Secretary Herbosa, ang kaparehong polisiya na nagbabawal sa masusungit na kawani sa mga pampublikong ospital sa buong bansa.
Binisita rin ng gobernadora ang kanyang tanggapan sa panlalawigang pagamutan. Layunin nito na makita at maramdaman ang kalagayan ng mga pasyente at matugunan ang mga pangangailangan ng pasilidad ng pagamutan. (Kevin Pamatmat/ News Light)