Batas kontra fake news, isinusulong sa Kongreso | News Light

📅
👤 Newslight  |  📂 News Light, Latest News

Maaari nang makulong o magmulta ang sinumang gumagawa at nagpapakalat ng fake news.

’Yan ang probisyong nakapaloob sa House Bill No. 3799 o ang Anti-Fake News and Disinformation Act na inihain ng magkapatid na sina Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez and Abamin Party-list Representative Maximo Rodriguez Jr.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga lalabag ay maaaring patawan ng 6 to 12 years na pagkakakulong o kaya’y ₱500,000 hanggang ₱2 milyong multa, kabilang dito ang mga opisyal ng pamahalaan, mamamahayag, at mga influencers na may 50,000 o higit pang followers.

Saklaw din ng House Bill ang mga indibidwal na kusa at malisyosong nagpapalaganap ng maling impormasyon sa pamamagitan ng print, broadcast, digital, social media at iba pang pamamaraan.

Paliwanag ng dalawang kongresista, ang kasalukuyang pagdami ng mga pekeng balita lalo na sa mga digital platforms gamit ang artificial intelligence o AI ay seryosong banta umano sa public trust, democratic institutions, at national stability ng Pilipinas.

ADVERTISEMENT

Hindi rin anila absolute ang freedom of speech lalo na kung ito ay nakaaapekto sa kaligtasan ng publiko o pambansang seguridad.

Samantala, bubuo ng joint congressional committee upang bantayan ang implementasyon at masuri ang pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang pang-aabuso. (Kent Bicol/News Light)