Tuloy na tuloy nang gaganapin ang “Batang Pinoy National Championship 2025” ng Philippine Sports Commission (PSC) sa General Santos City.
Ayon kay PSC commissioner Olivia “Bong” Coo sa isang press con kahapon sa Maynila, “we are more ready than ever,” na kanyang binigyang kasiguraduhan ang gaganaping patimpalak para sa mga batang atleta.
Ipinakita rin ang mga official mascot na sina Oyo at Aya na, ayon sa komisyon, ay pawang mga batang atleta na simbolo ng pag-asa at determinasyon sa anumang larangan.
Inilabas nina PSC chairperson John Patrick Gregorio, commissioners Matthew Gaston, Edward Hayco at iba pa ang overall champion trophy.
Kasabay ng pag-anunsyo ng mga monetary reward sa mga makakapasok sa top 5 overall achievers sa nasabing national championships kung saan makakauwi ng 5 milyong piso ang tatanghaling overall champion.
ADVERTISEMENT
Ayon sa komisyon, hindi magiging posible ang patimpalak na ito kung wala ang mga partnership ng mga government agencies at private sectors.
Halos 20,000 na atleta mula sa 191 local government unit ang magpapakitang-gilas sa iba’t ibang sports tulad ng badminton, futsal, sepak takraw, basketball, chess, cycling, volleyball, weightlifting. Hindi rin mawawala ang mga martial arts tulad ng taekwondo, karate, kick boxing, wrestling at wushu, at iba’t iba pang sports na gaganapin sa General Santos City. (Austin Gonzaga/ News Light)



