Arkitektong minsan nang naging bedridden, nanguna sa 2025 Architect Licensure Examination | News Light

📅

Hindi natinag ang isang arkitekto sa Santa Barbara, Pangasinan upang makakuha ng lisensiya sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan.

Si King Nixon Castro Mabanta, 28 anyos, ay nanguna sa June 2025 Architect Licensure Examination na may 88.10% na marka.

Siya ang kauna-unahang topnotcher sa arkitektura ng Pangasinan State University–Urdaneta at nagtapos ng laban na halos ikinamatay niya.

Noong 2022, hinarap ni Mabanta ang isang malubhang vascular disease na nagdulot sa kanya ng halos siyam na buwang pagkakahiga sa kama, kung saan halos hindi siya makagalaw at nangangailangan ng tulong kahit sa mga pangunahing gawain.

Sa kabila nito, nagawa pa niyang pumangalawa sa Master Plumber Licensure Examination noong 2023, na nagbigay sa kanya ng pag-asa at lakas ng loob.

Ayon kay Mabanta, ang pagkakapasa sa nasabing eksaminasyon ang nagsilbing simula ng kanyang paghilom at pagbabalik ng kumpiyansa sa sarili.

ADVERTISEMENT

Matapos ang 11 taong paglalakbay mula nang pumasok siya sa kolehiyo noong 2014, tuluyan niyang naabot ang pangarap na maging ganap na arkitekto.

Sa kasalukuyan, nagtatrabaho siya bilang freelance architect na nakatuon sa high-end residential projects sa Pangasinan.

Congratulations, King Nixon! Patunay kang walang hadlang sa pagkamit ng mga pangarap.