8 pulis, arestado sa panghahalay ng Grade 9 student | News Light

📅 November 24, 2025 2:29 PM PHT
👤 Newslight  |  📂 News Light, Latest News

Walo sa 14 na pulis galing sa CALABARZON region ang inaresto matapos silang akusahan ng panggagahasa sa isang Grade 9 student na live streamer at pagnanakaw sa bahay na rinaid ng mga ito sa Bacoor City.

Nasa kustodiya na ng Bacoor Police ang mga ito makaraang maaresto mismo sa kanilang istasyon.

Kinilala ng kapulisan ang mga pinagha­hanap na iba pa na sina Police Corporal Jerome V. Roxas at Dondee Great C. Olog, at mga patrolman na si Pat. Alexander II B. Verzosa, Edward D. Tagadtad, Raymart Laciste at Richard M. Saet, na nakatalaga sa Provincial Drug Enforcement Group Special Operations Unit (PDEG-SOU) 4A.

Nahaharap ang 14 pulis sa mga kasong paglabag sa RA 8353 o Anti-Rape Law, at robbery in band.

Sa imbestigasyon, nitong Nobyembre 22, dakong alas-7:45 ng umaga ay nagsagawa ng anti-drug operation ang grupo ng mga suspek sa bahay ng biktima sa Bacoor City kung saan target umano nila ang isang “big-time drug pusher” na nakatira sa nasabing bahay.

Gayunman, pagpasok sa bahay ng biktima, agad pinagkukuha ng mga pulis ang mahahalagang gamit at pera sa loob at hindi pa nakuntento at ginahasa pa diumano ng ilan sa mga suspek ang isang alyas Nene, bago sila umalis.

ADVERTISEMENT

Agad na nagreklamo sa Bacoor Police ang biktima at pamilya nito kung kaya nagkasa ng agarang follow-up operation sa PDEG-SOU 4A sa Camp Vicente Lim sa Brgy. Mayapa, Calamba, Laguna na ikinaresto ng walo sa mga suspek at kinumpiska ang kanilang mga service firearms.

Narekober din sa mga suspek ang iPhone 13 na pag-aari ng biktima, sasakyan, motor na pag-aari ng biktima, dalawang plastic sachet at isang nakabuhol na plastic na may lamang 86 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱584,800, isang kulay pink wallet, dalawang plakang RGD9 at mga boodle money.

Isinagawa ang site inventory sa mga nakuhang ebidensya sa presensya ng ilang barangay officials.

Samantala, ni-relieve muna sa pwesto ang commander ng PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Unit (SOU) sa CALABARZON.

Gayundin, inalis sa pwesto ang walong naarestong pulis kasama ang team leader na isang police lieutenant, maging ang anim pang ibang at-large. (Austin Gonzaga/News Light)