Arestado ang hindi bababa sa pitong taxi driver sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkules dahil sa iba’t ibang paglabag, ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines.
Isang composite team na binubuo ng MIAA, Airport Police Department (APD), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Philippine National Police Aviation Security Group ang binuo noong Linggo at tuloy-tuloy ang operasyon 24/7 ngayon sa paliparan.
Ilan sa mga paglabag ng mga nahuling driver ay kawalan o paso ng lisensya, expired na prangkisa, minanipulang metro ng taxi, at iligal na panunulot o pagkontrata ng pasahero.
Bukod dito, may ilang driver rin na nanghihikayat ng pasahero sa mga lugar sa labas ng terminal, gaya ng malapit sa Savoy Hotel sa tapat ng Terminal 3.