Nagbigay ng update si Pangulong Ferdinand Marcos Junior hinggil sa pag-gulong ng kaso laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Hawak na ng mga awtoridad ang pitong sangkot sa korapsyon sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Ayon ‘yan mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong umaga.
Sa 16 na mga indibidwal na sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan, pito na ang hawak ng mga awtoridad.
Anim sa kanila ang kusang sumuko sa PNP-CIDG habang isa ang inaresto ng NBI.
Dalawa naman ang nagpahayag ng intensyong sumuko sa mga awtoridad.
ADVERTISEMENT
Hindi pinangalanan ng pangulo kung sino-sinong personalidad ang hawak na ng pamahalaan.
Binalaan ni Marcos Jr. ang mga indibidwal na nagbabalak na tulungan ang mga sangkot na magtago.
Mananagot aniya sa batas ang sinumang tutulong na itago ang mga fugitive o pugante.
Sa ngayon, pito pa ang hindi sumusuko sa mga awtoridad, kabilang sa kanila si resigned Ako Bicol Representative Zaldy Co.




