
Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Japanese fugitive kung saan lima sa kanila ay kasapi umano ng kilalang JP Dragon Gang sa magkakahiwalay na operasyon sa Bulacan at Quezon noong October 7, 2025.
Ayon kay BI Fugitive Search Unit Chief Rendel Ryan Sy, unang nahuli sa Brgy. Sapang Palay, San Jose del Monte, Bulacan si Yukio Monde, 53, na may warrant of arrest sa Japan dahil sa panggagaya ng dokumento at pandaraya sa bangko.
Kasunod nito, nasakote sa Lucena City si Norichika Harada, 48, na wanted sa Theft matapos magpanggap bilang pulis at manloko ng matatandang biktima upang makuha ang kanilang ATM cards at impormasyon.
Samantala, sa Candelaria, Quezon, nadakip sina Nobuyuki Arima, Yano Yuya, Iwamoto Miyako, at Ayumi Osawa, na nahuling nag-o-operate ng mga online workstation na ginagamit umano sa scam activities.
ADVERTISEMENT
Kumpirmado ng mga awtoridad sa Japan na sila ay may mga kaso rin ng Fraud at Theft at konektado sa JP Dragon syndicate.
Kasalukuyang isinasailalim sa deportation proceedings ang anim na suspek at ilalagay sa blacklist upang hindi na makabalik sa Pilipinas.



