30% ng mga barangay na malapit sa dagat, posibleng malubog sa taong 2050, ayon sa Climate Change Commission | News Light

📅
👤 Newslight  |  📂 News Light, Latest News

May posibilidad na malubog ang nasa 30 porsyento ng local government units (LGUs) na malapit sa coastal areas sa taong 2050, kahit pa matupad ang target na global warming temperatures, ayon sa Climate Change Commission (CCC) kahapon.

Sa ilalim ng Paris Agreement, pinagkasunduan ng mga bansa na bawasan ang global greenhouse emissions upang bumaba ng 2 degrees Celsius ang temperatura ng mundo, at malimitahan ito sa 1.5 degrees.

Gayunpaman, kahit pa maabot ito ay lulubog pa rin ang 10 porsyento ng mga LGU sa 2030, at 30 porsyento naman pagdating ng taong 2050—kalahati ng 60 porsyentong kabuuang LGUs na malapit sa coastal areas, ayon kay CCC Commissioner Albert dela Cruz Sr.

Dagdag pa niya, posible pa itong mapaaga at lumala kung lalampas pa ang temperatura ng 2 degrees Celsius dahil sa global warming.

ADVERTISEMENT

Sa prediction map na ipinakita ng CCC, may posibilidad na malubog ang mga lugar gaya ng Bulacan, Pampanga, at iba pang lugar sa Metro Manila.

Nakikipagtulungan na umano ang komisyon sa mga private sector upang maibsan ang mga epektong dala ng global warming. Dagdag pa ni Dela Cruz, mapapagaan ang banta ng global warming sa tulong ng maayos na engineering at polisiya ng gobyerno. (Denniel Salayo/ News Light)