Ikinasa ng transport group na Manibela ang three-day transport strike sa susunod na linggo na magsisimula sa December 9.
Sa press conference sa Nagtahan, Manila, isiniwalat ni Manibela president Mar Valbuena ang panggigipit umano sa kanila ng Land Transportation Office (LTO) bunsod ng kakulangan nilang makapagpakita ng mga kaukulang dokumento upang makabiyahe sa lansangan, tulad ng rehistro ng jeep na kanilang ipinampapasada.
Giit ni Valbuena, nahihirapan ang mga jeepney driver na makapagparehistro dahil sa patuloy na umiiral na modernization program ng pamahalaan sa mga pampublikong jeep at PUV, na umano’y malaking kalugihan sa kanilang araw-araw na pamamasada kung sila ay susunod.
Hindi lamang ito ang kanilang ipinoprotesta kundi pati na rin ang hindi pagpansin ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at LTO.
Kinokondena rin ni Valbuena si LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao bunsod ng umano’y pangingikil sa mga tsuper ng ilang enforcer.
ADVERTISEMENT
Kanila ring ipinoprotesta ang pagtaas ng produktong petrolyo at pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport na ayon sa grupo ay pahirap sa mga pasahero.
Wala pa namang pahayag ang DOTr at LTO ukol dito. (Austin Gonzaga/News Light)



