Hinimok ng Philippine National Police ang mga pet owner na posibleng nabiktima ng isang pet crematorium sa Bacoor, Cavite na lumantad at maghain ng reklamo.
Kasunod ito ng pagkakatuklas sa mga labi ng 29 na aso at pusa na umano’y itinapon sa bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan.
Pinag-aaralan ng pulisya na ipasuri sa mga forensic expert ang mga abong ibinalik sa mga pet owner para alamin kung tunay ang mga ito.
Ayon sa PNP, sisilipin din nila ang mga ulat na maaaring ilang taon nang ginagawa ang umano’y panloloko.
Inatasan din ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis sa Bulacan at Cavite na makipagtulungan sa iba pang ahensya para matukoy ang mga naghakot at nagtapon ng mga labi.
Sinusuri ng mga imbestigador ang business permits, kagamitan, CCTV footage at proseso ng crematorium sa pagtanggap at paghawak sa mga patay na alagang hayop.
ADVERTISEMENT
Panawagan sa mga pet owner: itago at isumite ang mga resibo, cremation certificate, mensahe, at iba pang record ng transaksyon para mapatibay ang imbestigasyon.
Kabilang sa mga posibleng kaso ang estafa, syndicated estafa at paglabag sa mga batas sa sanitation, solid waste management at proteksyon ng consumer, kasabay ng danyos para sa mga nabiktima.
“I’ve also heard some companies offering these services denying na totoo daw, so ibig sabihin lahat ito titingnan natin, mapapagtagpi-tagpi natin ‘yan and we will see a clearer picture, and that’s the time that we need to discuss kung appropriate ba na mag-file ng charges,” giit ni PCol. Allen Rae Co, Chief, PNP-PIO.

