Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong graft at malversation ang anim na opisyal at tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Soccsksargen at pitong pribadong indibidwal kaugnay ng umano’y panloloko sa pagbabayad ng halos P492 milyon para sa road right-of-way sa General Santos City.
Pormal nang inihain ang mga kaso sa Sandiganbayan nitong November 3.
Kabilang sa mga kinasuhan sina dating DPWH Region 12 Director Subair Diron at dating Assistant Regional Director Laureano Suan Jr.
Kasama rin sina Tomas Rodriguez, David Padlan, Paisal Padate at Ansare Busran.
ADVERTISEMENT
Nag-ugat ang mga kaso sa tatlong investigation report ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2018 at 2019 kaugnay sa pagpapabayad ng mga akusado para sa 18 parsela ng lupa na umano’y naapektuhan ng konstruksiyon ng Digos-Makar National Road sa Barangay Lagao, General Santos City.

