Sinita ni Transportation Secretary Vince Dizon ang mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) dahil sa naantalang turnover ng kontrol ng CCTV ng NAIA sa pribadong operator na New NAIA Infra Corp., na tumagal ng isa’t kalahating taon.
Nangyari ito habang naghahanda ang paliparan sa tinatayang 1.2 milyong pasahero mula October 27 hanggang November 3 para sa Undas.
Sa pag-iinspeksyon sa NAIA Terminal 1 noong October 30, ikinagalit ni Dizon ang pagtuturuan ng mga opisyal matapos mahirapang makuha ang CCTV footage ng pagnanakaw sa isang turista.
Binigyan ni Dizon ang MIAA hanggang Nobyembre para kumpletuhin ang turnover.
Samantala, pinuri naman ni Dizon ang mga pagbabago sa paliparan sa ilalim ng public-private partnership.
ADVERTISEMENT
Kabilang dito ang e-gates na nagpapabilis sa immigration clearance.
Ayon sa kalihim, umaabot na lamang umano sa labingwalong segundo ang proseso.
Sa tala ng MIAA, umabot na sa 436,121 ang mga pasahero sa NAIA mula October 27 hanggang 29 at inaasahan pa ang mas maraming biyahero ngayong Undas weekend.
“Simpleng-simple ang problema natin, may nanakawan, hindi natin makita-kita sa CCTV tapos kayong lahat, put@#%ina!, nagtuturuan kayong lahat. Diyan ako nabubwisit sa inyo,” giit ni Dizon.
“Irerekomenda ko sa ating Pangulo na i-mandate na lahat ng Pilipino, whether OFW o hindi OFW, lahat ng turista, basta mag-fill up tayong lahat ng e-travel, pwede nang gumamit ng e-gate,” dagdag niya.

