Nailigtas ang lahat ng 40 pasahero at l8 tripulante ng RoRo na tumagilid sa Ungos Port sa Real, Quezon.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), kabilang dito ang dalawang sanggol at may ilang sakay namang nagtamo ng bahagyang pinsala.
Sa paunang ulat, tumagilid ang ‘MV Virgen de Peñafrancia 2’ ng Starhorse Shipping Lines pasado alas-dose ng madaling araw noong October 30 na agad narespondehan ng PCG.
Galing sa Polillo Island ang barko at may kargang 14 na sasakyan.
Sa salaysay ng kapitan sa PCG, naputol umano ang taling nag-uugnay sa barko at pantalan dahil sa malakas na alon.
Kaya naanod umano nang halos 10 metro palayo ang unahang bahagi ng barko.
ADVERTISEMENT
Sinubukan nitong magmaniobra pabalik, pero sumadsad ang unahan bago tumagilid sa kanang bahagi.
Nagtalaga na ang Coast Guard ng oil spill containment booms sa paligid ng barko para harangin ang posibleng pagkalat ng langis.
Sinuspinde na rin ng Maritime Industry Authority ang ‘passenger ship safety certificate’ ng barko habang iniimbestigahan ang sanhi ng insidente.

