Dapat panagutin ang Pangulo bilang pangunahing tagapagpatupad ng budget. Ito ang giit ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio matapos ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang mga kinuwestiyong dagdag-pondo sa 2024 at 2025 budget at ilang probisyon sa unprogrammed appropriations sa 2026 budget.
Iniuugnay ni Tinio ang paggamit ng unprogrammed appropriations sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
“Abangan na lang natin kung magfa-file muli ang Makabayan. Pero malinaw na lalong pinalakas ang basis dahil nga kailangang panagutin ang si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa naging direkta at pangunahing papel niya bilang chief implementer ng mga prohibited lump sums sa unprogrammed appropriations na direktang kaugnay sa flood control corruption for 2024 and up to 2025,” ayon kay Tinio.
Kabilang si Tinio sa mga nag-endorso ng naunang impeachment complaint na ibinasura ng Kamara.
Pero hindi pa naman kinukumpirma kung maghahain muli ang Makabayan.
Samantala, nilinaw naman ni Supreme Court Spokesperson Camille Ting na hindi desisyon ng Korte ang patungkol sa personal na pananagutan ng Pangulo o ng iba pang opisyal.
ADVERTISEMENT
Nakasalalay aniya ito sa kasong ihahain at sa ebidensiyang ilalatag.
Hindi pa rin pinal ang desisyon.
Habang iginiit naman ng Malacañang na sumunod sa batas ang administrasyon sa paggamit ng pondo at hihiling ang Office of the Solicitor General ng reconsideration sa ilang bahagi ng pasya.

