Balitang A2Z

Palasyo, iaapela ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa unprogrammed funds

Iaapela ng administrasyong Marcos Jr. ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara ng labag sa Konstitusyon ang 2024 at 2025 national budget at ilang probisyon ng 2026 budget. Ayon kay…

Billy Torres · · 2 min read

Photo of Palace Press Officer Claire Castro

Iaapela ng administrasyong Marcos Jr. ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara ng labag sa Konstitusyon ang 2024 at 2025 national budget at ilang probisyon ng 2026 budget.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maghahain ang Office of the Solicitor General ng motion for reconsideration dahil tutol ang Ehekutibo sa ilang bahagi ng pasya.

“Ang posisyon natin ay binigyang-kahulugan ng Araullo vs. Aquino ang mga naunang budget law. Hindi ito ginawang permanenteng utos ng Konstitusyon ang mga kondisyon sa mga batas na iyon. Maaaring baguhin ng Kongreso ang mga kondisyon basta nasa loob ng Konstitusyon. Kaya nga po tayo ay magsasampa sa pamamagitan po ng Office of the Solicitor General ng motion for reconsideration dahil alam ng administrasyon na wala namang nilalabag na batas,” ayon kay Castro.

ADVERTISEMENT

Sa desisyon, tinukoy ng Korte ang mahigit P400 bilyong dagdag sa unprogrammed appropriations noong 2024 at halos P18 bilyong dagdag sa Department of Public Works and Highways (DPWH) special road fund noong 2025.

Pareho umanong nagpatataas ang mga ito sa kabuuang budget ng bansa na inirekomenda ng Pangulo, bagay na ipinagbabawal ng Konstitusyon.

Ipinawalang-bisa rin ng Korte ang special provisions 1(A) at 1(B) sa unprogrammed appropriations ng 2026 budget, kung saan nilinaw ng Korte na maaaring maglaan ng ganitong standby funds, pero kailangan ng malinaw na limitasyon at pamantayan para maiwasan ang walang kontrol na paggasta.

ADVERTISEMENT

Isa sa kinukuwestiyon ng Palasyo ang kondisyong dapat munang lumampas ang kabuuang koleksiyon ng pamahalaan sa kabuuang revenue target bago magamit ang unprogrammed funds.

Giit ng Palasyo, simula 2015, pinapayagan ng Kongreso ang paglalabas ng pondo kapag sumobra sa target ang koleksiyon sa kahit isang tinukoy na non-tax revenue source, basta masunod ang iba pang kondisyon ng batas.

Itutuloy naman ng administrasyon ang planong paggasta sa 2026 budget habang hinihintay ang pinal na desisyon.

ADVERTISEMENT

Gayunman, nakasaad sa desisyon ng Korte ang pagbabawal sa pagpapatupad ng dalawang probisyon sa 2026 budget na idineklara nitong unconstitutional.

What do you feel about this article?