Nakahanda ang Department of Migrant Workers (DMW) na tumulong sa paglikas at pagpapauwi ng mga Pilipino kung kakailanganin sa gitna ng mga protesta sa France at Italy.
Ayon kay Migrant Secretary Hans Leo Cacdac, wala pang naiuulat na Pilipinong napahamak sa mga kaguluhan nitong mga nakaraang araw.
Gayunpaman, nagbukas na ang DMW ng mga linya ng komunikasyon at helpline para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong.
“Humupa na rin ‘yung incidents, as far as we know. Kontrolado na ng law enforcement doon sa mga lugar na ‘yun ang sitwasyon. Si Pangulo mismo, pinag-utos ang monitoring at ‘yung possibility ng evacuation, repatriation. We will be here to help them and to guide them in coordination with our embassies and Consulate General’s office,” ayon kay Cacdac.
ADVERTISEMENT
Nakikipag-ugnayan din ang kagawaran sa mga embahada ng Pilipinas sa Paris at Rome, at sa konsulado sa Milan.
Pinayuhan naman ng mga diplomatic offices ang mga Pilipino na iwasan ang mga lugar ng protesta at malalaking pagtitipon, at agad ipagbigay-alam kung may kababayang nangangailangan ng tulong.

