Dinepensahan ng Malacañang ang pagtalaga kay Zofia Canlas bilang commissioner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), sa gitna ng pagkukuwestiyon sa kanyang kuwalipikasyon.
Nagtapos si Canlas ng biology noong 2024, kaya pinupuna online ang kanyang umanong baguhang karanasan sa industriya at madalas na pagbibiyahe sa ibang bansa na tila malayo sa realidad ng mga nasa laylayan.
Pero giit ni Palace Press Officer Claire Castro, pamilyar na si Canlas sa trabaho ng komisyon dahil dati siyang chief of staff ng chairperson nito.
May halos P250 milyong budget ang PCUP ngayong 2026, batay sa General Appropriations Act.
Kabilang sa trabaho nito ang pakikipag-ugnay sa mga ahensiya para sa mga programa ng maralitang tagalungsod at paghahanda sa mga pamilyang maaapektuhan ng demolisyon o relokasyon.
ADVERTISEMENT
Sa tanong naman kung bakit biology graduate ang pinili sa halip na may law background, giit ni Castro, hindi kailangang abogado para makipagnegosasyon para sa maralita.
“Sila ang gumaganap kung ano ba ang kailangan ng ating mga kababayan na nataguriang informal settler para kung ililipat man sila ay hindi magiging mabigat sa kanilang balikat, so, iyon ang pinakamandato ng nasabing ahensiya. Ang pagpapaalis, ang pagsampa ng kaso, ang pagharap ng kaso, lawyer, pero ang pakikipag-negotiate para sa ating mga kababayan na nasa laylayan ng lipunan, hindi po kailangan lawyer,” ayon kay Castro.

