Kinukuwestiyon nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) kung bakit umano nakasentro sa Taguig ang mga inilalabas nitong ulat sa imbestigasyon sa reclamation.
Ginawa nila ito sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong Lunes.
Nauna nang ipinatigil ang mga construction project sa Taguig dahil sa umano’y ilegal na reclamation sa Laguna de Bay.
Ayon kay Sen. Alan, bakit sunod-sunod na posts ng LLDA sa Facebook tungkol sa imbestigasyon sa lungsod.
“Bakit in public pinapalabas nyo na may masasamang nangyayari sa Taguig? I just wanted to point out so I can gave you an opportunity to explain na bakit ang sariling Facebook page ng LLDA punong-puno ng mga update sa mga investigation nyo sa Taguig?” ayon kay Cayetano.
Naglabas din aniya ang LLDA ng cease-and-desist orders laban sa mga proyekto sa Angono, Rizal at Muntinlupa, pero hindi umano isinapubliko ng ahensiya ang mga kasong ito gaya ng ginagawa nito sa Taguig.
ADVERTISEMENT
Itinanggi naman ng LLDA na namimili ang ahensiya ng iimbestigahan o pagpapatupad ng mga regulasyon, maging ang umano’y pakikipagpulong kay Senador Panfilo Lacson.
“Wala pong politikal, walang pinipili, lahat po aaksyunan,” ani LLDA manager Engr. Leopoldo Parumog.
Sa kabila nito, pinagsusumite naman ng sagot sa mga tanong ng mga Cayetano ni Senador Risa Hontiveros, na siyang namuno sa pagdinig, ang LLDA at Environmental Management Bureau bago talakayin sa plenaryo ang budget ng DENR.

