Ni-relieve ng Philippine National Police (PNP) at isinailalim sa restrictive custody ang isang babaeng pulis mula sa Aviation Security Group dahil sa kaugnayan umano sa tangkang pagpupuslit ng P3.5 bilyong hinihinalang shabu mula bansang Laos.
“Meron pong isang pulis na may alleged o suspected involvement dito sa Laos shipment and she was immediately relieved by the chief of the Philippine National Police,” ayon kay PNP Spokesperson Allen Rae Co.
Kinumpirma ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na kabilang sa mga person of interest si Police Executive Master Sergeant Aileen Manalo Mendoza.
Ayon sa imbestigasyon, si Mendoza umano ang nag-ayos ng pagdating ng flight at hangar sa Maynila kung saan dapat lalapag ang private jet mula Laos.
Pero naharang ng mga awtoridad ang shipment sa Luang Prabang International Airport noong October 1.
ADVERTISEMENT
Nakumpiska sa eroplano ang 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.5 bilyon, na nakatakda sanang dalhin ang kargamento sa Pilipinas.
Nakikipagtulungan ang PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para tukuyin ang mga sangkot at lawak ng umano’y partisipasyon ng pulis.
Anila, hindi nila kukunsintihin ang mga tauhang sangkot sa ilegal na droga at maghahain ng kaukulang kasong kriminal at administratibo kapag may sapat na ebidensiya.

