Sinibak sa puwesto ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang tatlong opisyal habang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y anomalya sa mga flood control project sa Davao City.
Kabilang sa mga tinanggal si dating Davao City District Engineer Richard Ragasa, na nakatalaga ngayon bilang Assistant Regional Director ng DPWH Region Four-B.
Ni-relieve din sina Assistant District Engineer Lilibeth Sarmiento at Construction Chief Roberto Mamaril.
Nauna nang inirekomenda ng NBI sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng mga kasong graft at falsification laban sa mga opisyal ng DPWH at mga tauhan ng Genesis88 Construction kaugnay ng mga proyekto.
Sa hiwalay na insidente, ni-relieve din ni Dizon si Engineer Renato Catingub, ang Construction Chief ng DPWH Cebu Fourth District, dahil sa umano’y pangingikil sa mga kontratista.
ADVERTISEMENT
Iginiit ng kalihim ang one-strike policy ng ahensiya, kung saan agad na aalisin sa puwesto ang mga tauhang nasasangkot sa inirereklamong anomalya habang iniimbestigahan.
“Sa lahat ng mga tiga-DPWH, pagka kayo ay gumawa ng kalokohan o nakasuhan, automatic tanggal kayo sa pwesto, so mayroon pang mga currently iniimbestigahan ngayon and I will be announcing in the next few weeks,” ayon kay Dizon.

