Pumalag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nais pagpaliwanagin ang kinatawan ng China sa Pilipinas matapos ang bagong kontrobersyal na komento nito ukol sa tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Kasabay kasi ng patuloy na pamamalagi ng mga barko at mangingisda ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas, nagpalitan ng bintang ang ilang opisyal ng dalawang bansa.
Sa panig ng Philippine Defense Chief Gilberto Teodoro, ang Beijing ang nagsisimula ng gulo dahil sa panghihimasok nito sa soberanya at teritoryo ng bansa.
Saka naman sumagot si Chinese Ambassador Jing Quan at sinabing dapat pa umanong matuwa ang Pilipinas dahil mayroon itong kapitbahay tulad ng China.
“If we want to use force, we may easily win. But no. We will not choose to use force. And we love peace. And in this region we enjoy the peace,” pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan.
Agad namang umani ng batikos ang komento ni Quan mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), na tinawag itong hindi magandang pagpili ng mga salita.
ADVERTISEMENT
Kinastigo rin ito ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela.
Ayon naman sa Pangulo, hihingan niya ng paliwanag ang kinatawan ng China, lalo’t tunog pagbabanta ang naturang komento.
“It sounds to me very much like a threat and it’s not a very diplomatic statement to be made. So we would like to understand what exactly it is that he means,” ayon kay Marcos.

