Ipinatatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga host ng podcast show na “Machong Chismisan” kaugnay ng umano’y pangungutya sa anak ni Kris Aquino na si Josh.
Ayon kay NBI Director Attorney Melvin Matibag, dalawa sa mga host ang nakatanggap na ng subpoena at pinahaharap sa NBI Cybercrime Division sa Martes, October 20, para magbigay ng kanilang pahayag.
Sinusuri ngayon ng NBI kung lumabag ang mga pahayag sa mga batas na nagpoprotekta sa mga taong may kapansanan.
Nasa autism spectrum si Josh.
Nauna nang humingi ng paumanhin ang mga host at tinanggal ang kontrobersiyal na episode.
ADVERTISEMENT
Pero diin ni Matibag, hindi awtomatikong nagbubura ng posibleng pananagutang kriminal ang paghingi ng tawad.
“Hindi kasi nagiging sapat yung paghingi ng tawad para yung criminal responsibility mabura. Hindi tayo magsasabi nun, sa korte natin dadalhin yun, sa proseso natin dadalhin yun,” ayon kay Matibag.

