Binatikos ni dating Finance Undersecretary Cielo Magno ang P7.2 trillion panukalang national budget para sa 2027 na inaprubahan ng Kamara.
Kinukuwestiyon ngayon ng dating opisyal ang malalaking pondo para sa multipurpose buildings, access roads, at medical assistance program na tinutuligsa ng ilang grupo bilang bagong anyo ng pork barrel.
Aniya, hindi natuto ang mga mambabatas sa iskandalo ng korapsyon sa flood control.
Partikular niyang pinuna ang umano’y pag-blob ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) district office na sakop ang distrito ni House Majority Leader Sandro Marcos.
Hamon naman ni Magno sa Pangulo, gamitin ang line-item veto para tanggalin ang kinukuwestiyon niyang pondo kung mananatili ito sa pinal na budget.
ADVERTISEMENT
“I’m challenging the president kung ganito pa rin yung lumabas — i-line veto niya yung item ni Sandro Marcos, to see kung kaya ba niyang panindigan yung sinasabi niyang mahiya naman kayo, kasi dapat unang-unang nahihiya dito ay yung anak ng president. Nakakadiri na talaga because every year, we’re talking of pork barrel, how the budget is reflective of the corruption in the country,” ayon kay Magno.
Aniya, taun-taong nauulit ang maling pagpa-prayoridad sa budget, kung saan maliliit na lokal na proyekto ang inuuna habang napapabayaan umano ang kalusugan at edukasyon.

