Bumuwelta si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa naging paglalarawan ni Vice President Sara Duterte sa Pilipinas bilang “troublemaker” o nagpapagulo sa Southeast Asia.
Ipinagtanggol ng kalihim ang mga sundalong nagbabantay sa West Philippine Sea at iginiit na ipinaglalaban ang karapatan ng bansa at hindi ito nanggugulo.
Kinuwestiyon din ni Teodoro ang track record ng China bilang katuwang sa pag-unlad matapos iugnay ang ilang negosyong may koneksiyon sa Beijing patungkol sa pekeng bakal, ilegal na pagmimina at paglaganap ng POGO sa Pilipinas.
Nauna nang kinuwestiyon ni VP Sara kung bakit iniuugnay sa panganib sa pambansang seguridad ang pakikipagnegosyo sa China, partikular na ang alegasyon ng remittances mula China papunta sa Cale88 Foods Corporation na iniuugnay sa kaniyang asawang si abogado Manases Carpio.
Paglilinaw naman dito ni Teodoro, hindi bawal ang pakikipagnegosyo sa China, pero kailangang suriin ng mga imbestigador kung pinapayagan ang isang opisyal na pumasok sa partikular na transaksiyon.
ADVERTISEMENT
“Kung ito na ay ikaw ay isang public official na meron kang boses sa katatagan ng ating national territory and integrity na meron mga transaksyon sa China, ito’y dapat pag-aralan ng masusi kung ito ay above all, legitimate and proper,” ayon kay Teodoro.
Lalo aniya kung may impluwensiya ang opisyal sa mga usapin ng teritoryo at integridad ng bansa.

