Hindi magbibitiw sa puwesto at tuloy ang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028. Ito ang matigas na paninindigan ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng impeachment trial at iba pang kasong kinakaharap niya.
“No, no, no. Will not resign, will never resign from the Office of the Vice President. I will never resign,” ani Duterte.
Kinumpirma rin ni VP Sara na tuloy ang plano niyang tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Samantala, diskusyon hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman na lang ang impeachment article na ipinagpapatuloy ng House prosecution.
Ibinasura na nito ang pag-usig sa tatlong iba pang articles kaugnay ng confidential funds, bribery, at grave threats.
ADVERTISEMENT
Hiwalay dito, nahaharap si VP Sara sa grave threats case sa Quezon City court at sa mga reklamong plunder, graft at malversation sa Office of the Ombudsman.
Samantala, nitong Martes, isinumite rin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Ombudsman ang resulta ng fact-finding investigation nito sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente.
Ikinumpara ng NBI ang kaniyang 2024 at 2025 SALN sa mga land title na beripikado ng Land Registration Authority.

