Dinepensahan ng Malacañang ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-ipon ng tubig-ulan gamit ang mga balde bilang paghahanda sa El Niño.
Giit ng Palasyo, isa lang ito sa mas malawak na hakbang ng gobyerno laban sa posibleng pagkulang ng tubig at matinding tagtuyot.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat sa “balde” lang nakatuon ang puna sa pangulo, lalo’t ipinaliwanag sa pahayag na tuturuan ang publiko kung paano salain at gamitin nang maayos ang naipong tubig-ulan.
Maglalabas din umano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng video tungkol sa tamang water filtration.
Binanatan din ni Castro ang mga tinawag niyang “obstructionists,” kabilang na ang buwelta ni VP Sara Duterte na aniya’y puro negatibo ang nakikita sa mga hakbang ng administrasyon.
ADVERTISEMENT
“Saan po ba tayo mag-iipon ng tubig? Hindi lang po ang Pilipinas, may mga ibang bansa na talaga nag-iipon ng tubig at ano ang gamit? Hindi po ito pagkaniya-kaniya. Sa mga obstructionists po itong sasabihin ko. Kailangan po talaga natin ng balde-baldeng utak para maintindihan ninyo po kung ano ang plano ng Pangulo,” ayon kay Castro.
Nitong Martes, muling tinipon ni Marcos ang mga pangunahing ahensiya para sa El Niño response para sa mga estratehiya at pagpaplano sa suplay ng tubig, pagkain, mga ospital at sa agrikultura, at iba pang hakbang laban sa matinding tagtuyot, kabilang na ang cloud-seeding operations.

