Dinampot ng Bureau of Immigration (BI) ang 76 na mga dayuhan nitong Lunes dahil sa umano’y illegal POGO-related facility sa Cubao, Quezon City.
Ayon sa BI, ginagamit umano ang pasilidad sa online scamming.
Isinagawa ang operasyon kasama ang Armed Forces of the Philippines-National Capital Region (AFP-NCR) Command.
Sa 76 na dinampot, 74 ang Chinese nationals at dalawa ang Myanmar nationals.
Ayon sa BI, naabutan umano ang mga dayuhan na sangkot sa online scamming nang pasukin ng mga operatiba ang lugar.
ADVERTISEMENT
Sumasailalim na sila sa inquest at mahaharap sa deportation proceedings, kasabay ng paglalagay sa BI blacklist para hindi na makabalik sa Pilipinas.
Ito na ang ikalawang anti-POGO raid ng BI sa loob ng dalawang linggo.
Sa ilalim ng Republic Act 12312 o Anti-POGO Act of 2025, mahigpit na ipinagbabawal na ang offshore gaming operations sa bansa.

