Minamadali umano ang impeachment trial dahil bumabagsak na ang kaso laban sa kaniya, giit ni Vice President Sara Duterte, na inakusahan din ang prosekusyon ng pag-iimbento ng ebidensiya.
Ayon kay VP Sara, kulang na sa ebidensiya ang kaso kaya umano binibilisan ang paglilitis.
“Sinubukan nila yung kay Madriaga, nung bumagsak yung bribery, ngayon sinubukan nila kay Gracioso. Nagsisinungaling, nag-iimbento, kaya bumabagsak yung kaso. Kaya nag-shift na yung narrative to China-China naman tayo ngayon,” ayon kay VP Duterte.
Noong Biyernes, October 9, tinapos na ng House prosecution panel ang presentation of evidence nito, kasama ang huling testigong si financial forensic expert Alexander Cabrera.
Inilaglag na rin ng prosekusyon ang bribery article dahil, ayon sa mga prosecutor, sapat na umano ang naiprisintang ebidensiya sa iba pang articles.
ADVERTISEMENT
Giit ni Lead Prosecutor Gerville Luistro at ng House panel, may credible at sapat na ebidensiya sila at kumpiyansa silang mapatutunayan ang mga alegasyon laban sa bise presidente.
Nakatakdang suspindihin ang impeachment trial mula October 16 hanggang November 8 para bigyang-daan ang pagdinig sa 2027 national budget.

