Nananatili sa intensive care unit (ICU) ang tatlong Pilipino matapos masugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, dalawa sa apat na nasugatang Pilipino ang nagtatrabaho sa airport habang dalawa ang pasahero.
Umabot na sa 13 ang nasawi at mahigit 300 ang nasugatan sa pag-atake noong Sabado.
Stranded naman sa Riyadh ang tatlumpung Pilipino, kung saan 20 sa kanila ang inilagay sa DMW at OWWA-sponsored hotels habang ang iba ay sinundo ng mga kamag-anak o employer.
Nananatiling suspendido ang operasyon sa King Khalid International Airport habang maraming flight ang kanselado o inililihis sa ibang airport.
ADVERTISEMENT
Sa kabila ng mga pag-atake, wala pang ipinapatupad na deployment ban ang Pilipinas sa Saudi Arabia.
“Economic life continues within the Kingdom. And ang nakikita natin dito targeted ang mga attacks, and the Kingdom has kept Filipinos safe, not just since Feb 28 but we’re talking decades of protection afforded by the Kingdom to Filipino workers in Saudi,” ayon kay Cacdac.
Pinayuhan naman ng DMW ang mga Pilipinong bibiyahe na i-check muna ang status ng kanilang flight bago pumunta sa airport at huwag mag-post ng haka-haka o hindi beripikadong impormasyon tungkol sa mga pag-atake.

