Mababa ang posibilidad na makarating sa Pilipinas ang napapabalitang kumakalat na pneumonic plague, sa gitna ng paglaganap nito sa bansang Russia, ayon sa isang eksperto.
Batay kay infectious disease specialist Rontgene Solante kahapon, October 8, hindi pa kinumpirma ng pamahalaan ng Russia ang pinaghihinalaang plague, at ‘di ito dapat ikabahala ng mga Pinoy.
Ani Solante, ang plague ay hindi pangkaraniwan, at nasa mga lugar lamang na may partikular na klase ng rodent o fleas na may mikrobyong nagdudulot nito.
Ang isang pneumonic plague ay nagagamot, ayon kay Solante, dahil may mga lunas nang kinokonsiderang epektibo upang gamutin ang naturang sakit — kaya madali na itong kontrolin.
ADVERTISEMENT
Sinundan ng usap-usapan ang pagkamatay ng isang lab technician sa isang anti-plague institute sa Russia, na pinaniniwalaang nasawi mula sa pneumonic plague matapos makatagpo ng sirang test tube.
Nauna nang sinabi ng World Health Organization (WHO) na mababa ang banta sa kalusugan ng publiko at wala pang outbreak ang naitatala. (Denniel Salayo/News Light)

