Mahigit 20 Chinese vessels ang namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa katubigan malapit sa Pag-asa Island sa Palawan kahapon, Miyerkules.
Ayon sa PCG, kabilang sa mga namataang sasakyan ang mga vessel ng Chinese Maritime Militia at Chinese Coast Guard.
Mas marami pa ang namataan nang mas maaga, pero may ilan nang umalis sa katubigan ng Pag-asa Island.
Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), 101 Chinese Coast Guard at PLA Navy vessels ang namonitor sa West Philippine Sea noong Setyembre.
Ani AFP West Philippine Sea spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na mas tumutok ang Chinese Coast Guard sa pagpapatupad ng kanilang maritime law enforcement.
ADVERTISEMENT
Kabilang ang Pag-asa Island sa mga lugar na madalas makita ang mga Chinese vessels, kasama ang Escoda Shoal at Bajo de Masinloc.
Matatandaang noong nakaraang linggo lamang ay hinarang ng Chinese Coast Guard ang mga Pilipinong opisyal na rumeresponde sa isang Chinese fishing vessel na sinasabing nagsasagawa ng illegal dynamite fishing malapit sa Sandy Cay, sa paligid ng Pag-asa Island.
Samantala, magpapatuloy ang pagpapatrolya ng Pilipinas sa West Philippine Sea bilang bahagi ng pagmamatyag sa mga aktibidad ng mga dayuhang vessel. (Pink Feliciano/News Light)

