News LightLatest News

LTFRB, magpoproseso na ng regularization sa mga “tempo” TNVS

Ang “tempo” ay tumutukoy sa mga TNVS unit na nauna nang nailagay sa digital platform ng mga transport network company (TNC), kahit hindi pa kumpleto o nakukuha ang mga kinakailangang…

Newslight · · 2 min read

Magsisimula na ngayong araw, ika-walo ng Oktubre, ang 30-day regularization process ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga tinatawag na “tempo” o temporary drivers ng transport network vehicle services (TNVS).

Ang “tempo” ay tumutukoy sa mga TNVS unit na nauna nang nailagay sa digital platform ng mga transport network company (TNC), kahit hindi pa kumpleto o nakukuha ang mga kinakailangang dokumento at awtorisasyon mula sa LTFRB para makabiyahe.

Ayon sa LTFRB, hindi dapat mauna ang pag-activate ng TNVS unit sa digital platform kaysa sa pagkakaroon nito ng kumpletong authorization mula sa ahensya.

Kabilang sa mga kinakailangan ang prangkisa o Certificate of Public Convenience (CPC), at iba pang dokumentong nagpapatunay na awtorisadong makapag-operate ang isang TNVS unit.

Sa pamamagitan ng 30-day regularization, bibigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong “tempo” TNVS drivers na maipasa ang kanilang mga kinakailangang dokumento at makasunod sa mga pamantayan ng LTFRB.

ADVERTISEMENT

Para mag-qualify, kailangang hindi pa lalampas sa pitong taon ang edad ng sasakyan mula nang ito ay magsimulang mamasada.

Kailangan din itong sumailalim sa roadworthiness inspection ng LTFRB at makapagpresenta ng mga kinakailangang dokumento, kabilang ang rehistration at plate number, at iba pang papel na hinihingi ng ahensya.

Layunin ng LTFRB na matiyak na ang mga TNVS na nasa kalsada ay may kumpletong dokumento at kaukulang awtorisasyon, at matugunan ang problema ng mga kolorum na TNVS. (Austin Gonzaga/News Light)

What do you feel about this article?