Matapos ang malaking oil price hike ngayong linggo, posibleng bumawi naman ng halos walong piso kada litro ang presyo ng langis sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, malaki ang ibinaba ng presyo ng petroleum products sa international market sa mga nakaraang trading days.
Sa diesel, umabot sa halos 17 dollars kada bariles ang ibinaba sa unang tatlong trading days.
Kung magtutuloy ang ganitong trend hanggang Biyernes, tinatayang posibleng umabot sa P8 kada litro ang magiging bawas-presyo.
ADVERTISEMENT
Isa sa mga nakatulong sa pagbaba ng world oil prices ang senyales na magpapatuloy ang Saudi Arabia sa pag-e-export ng krudo sa kabila ng tensyon sa Middle East.
Pero nilinaw ng Energy Department, dahil hindi pa ito pinal, magbabago pa ang aktuwal na presyo depende sa galaw ng international market hanggang sa huling trading day ng linggo.

