Labis umanong nabahala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naganap na pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato matapos mabasa ang umano’y sulat na iniuugnay sa gumawa ng pamamaril.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat maging normal ang karahasan sa mga paaralan.
Nauna nang ipinag-utos ni Marcos ang masusing imbestigasyon, kabilang kung paano nakuha ng menor de edad at naipasok ang baril sa campus.
Samantala, pinaghahandaan ng Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mas pinalakas na seguridad sa mga paaralan, kabilang na ang paglalagay ng mga barangay tanod o community watchers bilang visible patrol sa mga campus.
Samantala, bumuwelta naman ang Malacañang sa batikos ni Vice President Sara Duterte sa administrasyon na wala umanong ginagawa ang gobyerno para maprotektahan ang mga estudyante.
ADVERTISEMENT
Giit ni Palace Press Officer Claire Castro, patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan para palakasin ang school safety at proteksyon ng mga bata.
“Hindi po totoo na walang ginagawa ang gobyerno. We cannot force someone to understand the situation if he or she is unwilling to understand or just can’t understand,” ayon kay Castro.
Kabilang dito ang bagong Digital School Safety Campaign ng DepEd na layong turuan ang mga estudyante ng mas ligtas at responsableng paggamit ng online platforms.

