Pansamantalang inalis na sa kanyang puwesto sa Department of Education (DepEd) ang ama ng estudyanteng namaril sa Banga National High School sa South Cotabato, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nagsisilbi ang ama bilang Disaster Risk Mitigation Officer ng DepEd Region 12.
Kinumpirma ng mga otoridad na sa kanya nakarehistro ang 9-millimeter pistol na ginamit ng kanyang anak sa pamamaril noong September 18.
Patuloy pang iniimbestigahan kung paano nakuha ng menor de edad ang baril.
Ayon sa DepEd, mananatili siyang relieved sa puwesto habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP).
ADVERTISEMENT
Sa House budget deliberations, kinuwestiyon din kung dapat magpatupad ang DepEd ng mas mahigpit na internal policy sa responsableng pagmamay-ari at pag-iingat ng baril ng mga empleyado, lalo’t wala pang sariling gun-ownership policy ang DepEd.
“Sa mga nangyayari pong karahasan involving guns in our schools, mukhang marapat na po sa lalong madaling panahon, magkaroon ng internal policy at administrative circular ang Department of Education pagdating po sa responsible gun ownership,” ayon kay Akbayan Partylist Rep. Percival Cendaña.
Samantala, sinusuportahan ni Education Secretary Sonny Angara ang mas mahigpit na regulasyon sa social media at mararahas na online content para sa mga bata, bilang bahagi ng mas malawak na school-safety measures.

