Bubuksan na para sa pedestrians at light vehicles ang nasirang Agana Bridge sa Tarlac City ngayong Martes, September 22.
Patapos na rin kasi ang temporary Bailey Bridge na ikinabit sa nasirang bahagi ng tulay.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, naantala ng halos isang linggo ang trabaho dahil sa malakas na agos ng ilog at karagdagang safety measures.
“Na-delay tayo ng one week kasi nga very, very conscious tayo sa safety ng mga tatawid. Kung mapapansin niyo itong malalaking bakal na ito, ito yung mga extra support na tinayo natin. Definitely, hindi puwede ang trucks, at hindi puwede ang buses. Pero 4-wheeled vehicles, coasters, yung mga Elf na delivery trucks na pandala ng mga goods, puwede ‘yun,” ani Dizon.
Pero bago buksan, dadaan muna sa load testing ang tulay at magpapatupad din ng 10-toneladang weight limit para sa mga sasakyan.
ADVERTISEMENT
Puwede na ring dumaan ang karaniwang four-wheeled vehicles, coasters at ilang maliliit na delivery truck.
Sa kabila nito, bawal pa rin ang bus at malalaking truck.
Matatandaang nasira ang Agana Bridge noong August 29 dahil sa malakas na ulan at rumaragasang tubig dulot ng Habagat.

