Balitang A2Z

Grupong Manibela, muling humirit ng P2 dagdag-pasahe sa jeepney

Kasabay ng National Day of Protest, muling humirit ang transport group na Manibela ng dalawang pisong dagdag-pamasahe sa mga jeep. Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, hindi na umano kaya…

BALITANG A2Z · · Updated · 2 min read

Photo of Manibela Chairman Mar Valbuena

Kasabay ng National Day of Protest, muling humirit ang transport group na Manibela ng dalawang pisong dagdag-pamasahe sa mga jeep.

Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, hindi na umano kaya ng mga tsuper at operator ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Iginiit niyang mahigit 100 porsiyento na umano ang itinaas ng presyo ng ilang petroleum products kumpara sa mga naunang antas, kaya hindi na sapat ang kasalukuyang pamasahe.

Habang panibagong malaking oil price hike din ang ipatutupad ngayong linggo.

Ayon naman sa Department of Transportation (DOTr), kasama ang fare adjustment sa mga tinalakay ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee para tugunan ang epekto ng mataas na fuel prices.

Pero nauna nang sinabi ng gobyerno na gusto muna nitong ubusin ang mga posibleng subsidy at iba pang tulong bago ipasa sa mga pasahero ang dagdag-gastos.

ADVERTISEMENT

Habang isinasapinal pa naman ang rekomendasyon sa taas-pasahe, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at target itong maisumite sa Transportation Department sa Oktubre.

“Pag hihiling kami ng fare increase, ang sasabihin inflation na naman ang magiging epekto nito. Hindi ba’t ang ugat ng inflation ay ang mataas na presyo ng mga produktong petrolyo?. Kapag ang mga malalaking negosyante ang naghihiling ng dagdag na presyo ng mga produktong petrolyo, hindi kailangan mag-petisyon, hindi kailangan mag-submit ng kung anumang dokumento, hindi kailangan ng hearing. Agad-agad, ipinatutupad. Samantalang yung fare increase na hinihingi namin, katakot-takot at napakahabang public hearing,” pahayag ni Valbuena.

Iginiit ni Valbuena na kung inflation ang pangamba, dapat umano’y tutukan din ng gobyerno ang ugat ng mataas na operating cost—ang presyo ng krudo at gasolina.

What do you feel about this article?