Hinamon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag si Davao City Representative Paolo Duterte na magsampa ng reklamo kung may ebidensya ito sa umano’y anomalya sa flood control projects sa Laguna.
Ito’y matapos sabihin ni Polong Duterte na may hawak silang mga video ng mga proyekto sa distrito ni Laguna 1st District Rep. Anne Matibag, na asawa ng NBI chief.
Buwelta ni Matibag, hindi niya kailangang magsalita para sa kanyang asawa.
ADVERTISEMENT
Pero kung may matibay na ebidensya si Duterte, dapat aniya’y dalhin ito sa tamang otoridad at hindi umano umaasa lang sa mga vlog para sa followers at clout.
Nakahanda rin si Matibag na mag-recuse o umatras sa imbestigasyon kung sa NBI isasampa ang reklamo para maiwasan ang conflict of interest.
Iginiit din niya na hindi selective ang imbestigasyon ng NBI sa flood control projects.
ADVERTISEMENT
“Ang inimbitahan namin, sinubpoena namin is the regional director, district engineers, at saka ‘yung contractors. Wala naman ‘yung pangalan niya doon eh. So I don’t know why he is reacting agad. If he has information, he can come to us sa office and volunteer it, and he can have all the coverage that he wants kung gusto niya ng coverage,” ayon kay Matibag.
Matatandaang may nakitang red flags sa mga anomalya para sa mas malalim na imbestigasyon ang 47 sa 100 flood control projects sa Davao City 1st District.
Pero ayon kay Matibag, anim sa 47 ang malinaw na may problema batay sa mga dokumentong nasuri.
ADVERTISEMENT
Gayunpaman, sinabi naman ni Duterte na bukas siya sa imbestigasyon ng NBI pero dapat umano’y hindi sa piling lugar lang ang iimbestigahan.

