Balitang A2Z

Golden Retriever, nakipaglaro sa magnanakaw imbes na itaboy sa California, USA

Isang aso na itinuturing na magbabantay sa bahay kapag walang amo, imbes na itaboy, inaya pa ang magnanakaw na maglaro. Huli sa security camera ang Golden Retriever na si Nash…

Billy Torres · · Updated · 1 min read

Isang aso na itinuturing na magbabantay sa bahay kapag walang amo, imbes na itaboy, inaya pa ang magnanakaw na maglaro.

Huli sa security camera ang Golden Retriever na si Nash habang paulit-ulit na nagdadala ng kanyang mga laruan sa lalaking pumasok sa bahay ng kanyang amo sa San Diego, California, USA.

Kita sa video na kumakawag pa ang buntot ng Golden Retriever habang naghihintay na laruin siya ng magnanakaw sa bahay.

Pero hindi siya pinansin ng lalaki at sa halip, kumain pa umano ito ng pagkain sa ref at nakatulog pa sa loob ng bahay.

Nakita naman ng mga may-ari ang pangyayari sa kanilang live security camera at agad tumawag sa pulisya.

ADVERTISEMENT

Pero ang mas nakakatawa pa, inaya rin ng aso na maglaro ang dumating na mga armadong pulis.

Naaresto naman kalaunan ang suspek sa kasong burglary, habang ligtas din ang mabait na Golden Retriever.

Pero sabi ng netizens, hindi talaga bagay ang aso sa pagbabantay.

What do you feel about this article?