Balitang A2Z

PBBM, nais baguhin ang sistema ng pag-aanunsyo ng class suspensions dahil sa mabilis na pagbabago ng panahon

Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aralan ang bagong sistema sa pag-aanunsyo ng class suspensions para maiwasan ang kalituhan sa mga estudyante at mga magulang. Ayon kay Palace Press…

BALITANG A2Z · · Updated · 2 min read

Photo of Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro

Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aralan ang bagong sistema sa pag-aanunsyo ng class suspensions para maiwasan ang kalituhan sa mga estudyante at mga magulang.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nais ng Pangulo ng mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng local government units at Department of Education (DepEd), partikular na sa pagpapasya at pagpapaalam kung may pasok o wala.

Ayon sa Pangulo, may mga pagkakataong masama ang weather advisory pero biglang umaaraw, habang may mga pagkakataon namang maayos ang panahon sa umaga, pero biglang bumubuhos ang malakas na ulan sa hapon.

Giit ng Pangulo, kailangang makahanap ng paraan para hindi malito o maabala nang husto ang mga pamilya sa ganitong mga sitwasyon.

“Yung paano maipapamahagi yung pagsu-suspend ng klase ay hindi pa naaprubahan sa ngayon. Kailangan pa aralin para hindi magkaroon ng miscommunication ang mga magulang at bata kung kailan papasok o hindi,” ani Castro.

ADVERTISEMENT

Sa kasalukuyang government guidelines, maaaring magpatupad ng alternative learning modes at magdeklara ang mga local chief executive ng localized class suspensions alinsunod sa umiiral na mga panuntunan.

Iniulat din ng DepEd na humigit-kumulang 73 percent ng mga paaralan sa buong bansa ang nakaranas ng class suspensions.

What do you feel about this article?