Umaasa ang Commission on Elections (COMELEC) na magiging batas bago ang September 28 ang panukalang magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa bansa.
Ayon kay Comelec Chair George Garcia, hindi pa maaaring itigil ang paghahanda sa November 2 elections, at kung walang bagong batas bago ang petsang ito, tuloy ang filing ng Certificates of Candidacy mula September 28 hanggang October 5.
Kailangan pa kasing dumaan sa Pangulo ang panukala at posible ring kuwestiyunin ito sa korte.
Kasama sa patuloy na preparasyon ang training ng mga guro para sa manual elections at paghahanda sa pag-deploy ng election supplies.
ADVERTISEMENT
Matatandaang inamyendahan ng Kongreso ang panukala para ilipat ang BSKE sa November 2028 at gawing limang taon ang termino ng Barangay at SK officials.
Samantala, hiniling ni election lawyer Romulo Macalintal kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukalang gawing limang taon ang termino ng Barangay at SK officials.
Aniya, lumalabag umano sa karapatang bumoto ng mamamayan ang pagpapaliban ng halalan at pagpapahaba sa termino ng mga nakaupo.
ADVERTISEMENT
Kinukuwestiyon din niya ang panukala sa ilalim ng single-subject rule ng Konstitusyon.
Ayon pa kay Macalintal, kung gustong gawing limang taon ang termino, dapat ito mag-apply sa mga mahahalal sa susunod na BSKE at hindi sa kasalukuyang mga opisyal.
Matatandaang aprubado na sa Senado ang panukala sa botong 13-5, habang nauna nang ipinasa ng Kamara ang sarili nitong bersyon.
ADVERTISEMENT
Paliwanag naman ng may-akda nitong si Senator Chiz Escudero, mas mahabang panahon ang limang taon para makapagplano, makapagpatupad at makapagsuri ng mga programa ang Barangay at SK officials.

