Nagprotesta sa labas ng Camp Crame sa Quezon City ang mga environmental defender laban sa umano’y pangha-harass ng mga pulis sa mga komunidad na tumututol sa malakihang pagmimina.
Pinangunahan ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang isinagawang kilos-protesta.
Ayon kay Lei Jin Dugay ng Kasibu Intertribal Response for Ecological Development sa Nueva Vizcaya, nagtayo sila ng barikada para hadlangan ang pagpasok ng kagamitan at fuel para sa mining exploration.
Iginiit niyang umaasa sa lupa ang kanilang kabuhayan at mahalaga rin ito bilang agricultural at watershed area.
Gayunpaman, inakusahan nila ang pulisya ng harassment at pagsasampa ng mga kaso laban sa mga residenteng tumututol sa mining project.
ADVERTISEMENT
“Itong mga nakaraang buwan, ang pulis, agresibo, marahas sa dispersal ng mga protesta. Binubuwag ang mga barikada sa mga pamayamanan na may pagtutol sa pagmimina at nagsasampa ng mga harassment cases sa mga aktibista,” ayon kay Mong Palatino, Secretary General, Bagong Alyansang Makabayan.
Habang itinanggi naman ng pulisya na kumakampi ito sa mining company.
Anila, malaya ang mga residenteng tumutol sa pagmimina, pero hindi sila maaaring humarang sa mga taong legal na nagtatrabaho o maglagay sa kanila sa panganib, lalo’t pinanatili umano nila ang kaayusan at kaligtasan sa lugar.

