Itinanggi ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang mga ulat na may partnership ito sa gambling institution na Playtime Entertainment para sa NCAA Season 102.
Sa pahayag na inilabas ngayong Miyerkules, nilinaw ng NCAA Management Committee na walang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng liga at ng Playtime Entertainment.
Wala rin umanong agreement na nagtalaga sa kumpanya bilang “official entertainment partner” o “season presenter” ng NCAA.
Ayon sa komite, hindi tama at hindi otorisado ng liga ang anumang pahayag o representasyon na nagsasabing may pormal nang partnership ang NCAA at Playtime Entertainment.
ADVERTISEMENT
Anila, sisiguraduhing iaanunsyo sa tamang paraan at sa mga opisyal na channel ang lahat ng official partnerships at engagements ng liga.
Matatandaang kilala ang Playtime Entertainment sa mga online casino at interactive games.

