Hinikayat ng ilang mambabatas sina Vice President Sara Duterte at asawa nitong si Mans Carpio na personal na humarap sa impeachment court.
Ito’y matapos ilatag ng House Prosecution nitong Martes ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mag-asawa kaugnay ng alegasyon ng umano’y unexplained wealth.
Ayon kay La Union Rep. Paolo Ortega, makatutulong ang personal na testimonya nina VP Sara at Carpio para masagot ang mga tanong tungkol sa kanilang mga ari-arian at kayamanan.
“They have a lot of explaining to do. Marami na pong tanong noon pa na gusto namin sila maging resource persons. So as endorsers, we want to see this through, and we want our big question marks answered as well,” pahayag ni Ortega.
Aniya, matagal nang may mga tanong ang ilang mambabatas na nais nilang direktang masagot ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.
ADVERTISEMENT
Sinabi naman ni Manila 6th District Rep. Abante na maaaring makatulong kung ipatawag din si Carpio, lalo’t kasama ang SALN nito sa mga dokumentong tinalakay ng prosecution.
“Palagay ko, narinig ko kanina yung mga SALN na kasama yung asawa niya. Well siguro, mas maganda patawag natin?” saad ni Abante.
Wala pa namang desisyon ang impeachment court kung ipatatawag o isu-subpoena ang mag-asawa.

