Binanatan ng Malacañang si Vice President Sara Duterte matapos niyang hilingin na magbitiw sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tinawag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na “absolutely delusional” o matinding kahibangan ang panawagan ni VP Sara at ang kaparehong pahayag ng kanyang spokesperson na si Paolo Panelo, lalo’t wala umanong legal na batayan para magbitiw ang Pangulo.
“The demand for the president to resign without any legal basis in order to put in place the principal of the spokesperson is definitely absolutely delusional. Madaling mag-bintang, madaling magsabi na walang nagagawa ang pangulo dahil mismong ang nagsasabi nito ay walang nagiging trabaho,” ayon kay Castro.
Sinabi rin ni Castro na hindi sapat ang ambisyon ni VP Sara para mamuno at kailangan umano ng isang lider ang sapat na kakayahan, kaalaman at kahandaan sa mahahalagang usapin ng bansa.
Kabilang sa binanggit ni Castro ang West Philippine Sea at Pax Silica Initiative.
ADVERTISEMENT
Aniya, madaling magparatang na walang nagagawa ang Pangulo, pero dapat umanong may sariling record din ng pagtatrabaho ang mga nagbibitaw ng ganitong kritisismo.
Wala pang bagong pahayag ang kampo ni VP Sara bilang tugon sa banat ng Malacañang.
Matatandaang kinukuwestyon ng ilang mambabatas ang humigit siyamnapung araw na trips abroad na umano’y non-official sa oras ng kanyang panunungkulan, kaugnay sa kinikita niya bilang pangalawang pangulo, maging ang mga nagawa niya sa bansa habang nasa puwesto.

