Bumuwelta si Gilas Pilipinas deputy coach Richard Del Rosario sa mga batikos sa national team matapos ang 105-61 pagkatalo sa China, na tuluyang nagtapos sa title defense ng Pilipinas sa Asian Games.
Kailangan sana ng Gilas na manalo o matalo nang hindi lalampas sa 36 points para umabante sa quarterfinals, pero umabot sa 44 points ang lamang ng China.
Natapos ang Pilipinas sa group stage na may 1-2 record.
Kabilang sa matinding pumuna si dating Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Noli Eala, na tinawag umano na nakakahiya at hindi katanggap-tanggap ang pagkatalo ng defending champion.
Kinuwestiyon din ni Eala ang umano’y mindset ng Gilas bago ang laban, dahil sapat sana ang pagkatalo nang mas mababa sa 37 points para makapasok sa susunod na round.
ADVERTISEMENT
Pero giit ni Del Rosario, naglaro sila para magwagi at hindi umano kailanman pumasok sa isip ng team na maglaro lamang para limitahan ang lamang ng China.
Sinabi rin ni Del Rosario na pareho silang nadismaya at napahiya sa resulta, pero hindi raw makatarungang magbigay ng konklusyon sa mindset ng team nang hindi alam ang mga napag-usapan sa loob ng team area.
Humingi naman ng paumanhin si Eala kung mali ang kanyang konklusyon, pero nanawagan din siya ng accountability mula sa Gilas at Samahang Basketbol ng Pilipinas matapos ang maagang pagkakatanggal sa torneo.

